|
"Tahan na Karina, tahan. Lalake lang yon," sabi ko. "Heto yosi. I-yosi mo na lang ang lahat." Kinuha mo ang inabot kong sigarilyo at dali-daliang sinindihan at sabay linapat sa iyong mga labi. Hithit-buga. Hithit-buga. Habang dali-daliang hinihithit mo ang nakamamatay na nikotin, binubuga mo ang mga alaalang dali-daliang sinusunog ng yosi. Nakakatawa, para tayong mga sigarilyo na ating hinihithit-buga, dali-daliang nauupos. "Heto na naman tayo," dagdag ko, "sa ating mga ritwal ng paglilimot. Kelan kaya ito mahihinto?" "Hangga't may mga alaala tsong, mayroon tayong dahilan para lumimot," sabi mo. Oo nga naman, hangga't buhay pa sa isipan ang mga alaala, hangga't kumakapit na parang tuko ito sa ating kamalayan, wala tayong kawala sa mga multo ng nakaraan. Astig ka sana Karina. May rason ka sa lahat ng bagay. Yun nga lang, ang boba mo sa pag-ibig. Mahilig ka kasi magpakamartyr. ***************** Habang nasa rooftop tayo ng Vinzon's, pinapatay ang mga oras na minsa'y ginusto nating magpatuloy magpakailanman, tumingala ako sa makulimlim na langit. Maulap. Walang bituin. Madilim. Walang kumikislap na diamante sa kalawakan. Signos ba ito? Pangitain ng ating walang katapusang kasawian? At habang yinayakap tayo ng walang bituing gabi, habang nagkwekwento ka tungkol sa kanya (kung paano ka ipinagpalit sa iba), sinindihan mo ang mga nalalabing Marlboro Lights. Bigla akong naawa sa iyo. Ikaw na walang takot na ginugupo at sinasangkot ang sarili sa mga isyung bumabalag sa ating bansa, ikaw na walang inaatrasang kalaban, ikaw na lagging galit sa mundo ay ngayo'y lumuluha sa aking harapan, duguan ang puso. Tulad ko, isang trahedya pala ang iyong buhay Karina. Nakakulong sa salimuot at saligutgot ng iyong tadhana. Nasusugatan. Nadadapa. Ngunit, kahit papaano'y natututong bumangon at tatapakan ang lahat. Paunti-unting pumatak ang iyong mga luha sa malamig na yero – mga luhang matagal mo ng pinipigilan, mga luhang naipon sa karagatan ng iyong mga mata. Kahit ano pa man, tandaan mo Karina para sa mga sawi ang gabi. At sa pagkakataong ito, dala ng ating di mawala-walang pighati, dala ng madaling maupos na katinuan, dala ng kadilimang bumabalot sa ating nangangatog na katawan, lagi mong tandaan Karina, atin ang gabi. Atin ang gabi, Karina. ***************** Kahit ika'y unti-unting linalamon ng iyong kalungkutan, wag kang mag-alala, tayo pa ri'y magkasama. Hanggang may naapi, hanggang may makakapal ang mukhang umaapi sa mga mahihina, hanggang may oppresyon sa lipunan, tayo'y magkabatak at magkasama. At haharapin natin sila ng mga panulat na pinatulis na parang bala. Babangain natin sila ng walang takot, ng walang alinlangan dahil tayo'y may pusong nag-iisip at utak na nagmamahal.
################# |
| Leave a Comment: |